Monday, June 22, 2015

REBYU

Bago tayo mag-break nang kaunti, rebyuhin muna natin ang mga nagdaang posts at rebisahin ang mga bagay na nais kong bigyang-diin.
image from: http://www.moneyisjustanidea.com/

1. Hindi sapat ang sweldo/sahod nating mga empleyado/manggagawa. Ang takbo ng buhay natin ay overdependent tayo sa tinatanggap natin tuwing payday. Sa liit ng tinatanggap natin nababaon tayo sa utang kahit ibadyet natin ang pera natin. Gayunpaman, dapat pa rin natin itong ibadyet, ngunit dapat sa wastong paraan.

2. Ibadyet nang tama ang pera. Ang tamang paraan ng pagbabadyet ay itabi ang isang takdang halaga/porsyento mula sa iyong sweldo/sahod bago kaltasin ang mga bayarin sa utang, konsumo, atbp. Ang maitatabing pera ay hindi dapat patulugin sa bangko, bagkus dapat itong gamitin para magkaroon ng sarplas na badyet.

3. Surplus budgeting. Sadyang kulang ang sahod at sweldo natin. Bakit? napakadalang sa patak ng ulan ang pagtaas nito habang nasa 5% ang average ng inflation - pagtaas ng halaga/presyo ng mga batayang produkto at serbisyo - sa Pilipinas taun-taon ayon na sa mga ekonomista. Kaya dapat matuto tayong gumawa ng surplus budget kung saan nagagawa nating makalikha nang sobrang kita na hindi na natin kailangang galawin o gastusin. Pero hindi ito dapat manggaling sa sideline na trabaho o pagkakaroon ng part-time job - papatayin mo na ang sarili mo niyan. Likhain natin ang kitang ito sa iba pang pamamaraan liban sa paghahanap ng trabaho o dagdag na trabaho.

4. Magnegosyo. Ito ang isang paraan para magkaroon ng pera liban sa kinikita natin sa pagtatrabaho. Mahalaga natin itong matutunan sa pinakamaagang panahon habang may kinikita pa tayo hindi kung kailan wala na tayong pinagkakakitaan o may edad na at marami nang nararamdamang sakit sa katawan bago magnegosyo. Gawing sideline ito para hindi lang boss mo ang kumikita ng tubo, ikaw rin. Malay mo, maging isa sa mga kliyente/kustomer mo ay boss mo. Masaya 'di ba?

5. Mag-invest. Kung kumikita ka na sa negosyo mo o lumalaki na ang savings mo, dapat matutunan mong i-invest ang perang iyan para higit pang lumaki. Bakit? Hindi araw-araw pumapatok ang negosyo. May araw na pagkalakas-lakas ng benta, may araw ding napakatumal. E, paano pa kung naghigpit sa kumpanya ninyo dahil nasilip ang mga sideline na iyan? Lalo na tayong nalintikan. Maraming mga behikulo kung saan mo pwedeng ilagak ang pera mo para lalong lumago, kailangan mo itong hanapin, pag-aralan, maunawaan, at piliin kung ano ang tama para sa iyo.

6. Magbasa at mag-aral. Sabi ko sa inyo, ang financial literacy ay hindi itinuturo sa eskwelahan. Kaya kahit ang mga pinakamatatalinong tao ay maaaring mangmang pagdating sa pagpapalago ng pera niya. Lalo na sa ating may mga pamilya na, isa itong DAPAT na gawin at gayundin ay ITURO sa mga nak natin para maputol ang kadena ng kamangmangan kaugnay sa pagpapalago ng pera. Pero hindi sapat ang self-study, maghanap kayo ng matatawag ninyong guro o mentor na siyang gagabay sa inyo hinggil sa aspetong ito ng ating buhay.

7. Give Back. Malamang wala ito sa mga post ko pero isa ito sa mga natutunan at karanasan ko. Habang ginagawa mo ang mga bagay na ito para palawakin ang kaalaman mo at patabain ang pitaka o bank account mo, dapat kang mas maging bukas-palad para sa iba. Hindi naman sa punto na ibigay mo lahat, ang pinupunto magbigay ka nang kahit na ano na bukal sa loob mo. Kung napipilitan ka lang, balewala rin. Tandaan natin, ang may mababang loob ay higit na pinagpapala. Isa itong paraan ng pasasalamat. Pay it forward 'ika nga. Kapag nagdamot ka, pagdadamutan ka rin sa mga susunod na panahon.

Gaya ng sinabi ko sa umpisa, break muna tayo tungkol sa financial literacy. Ang susunod na limang posts ko naman ay tungkol sa kalusugan natin. Dahil anumang pagsusumikap natin kung magkakaroon naman tayo malalang sakit dahil hindi natin pinangalagaan ang kalusugan natin, balewala rin ang lahat nang iyan. Ang makikinabang ng pinaghirapan mo paniyak ay ang ospital at doktor na gagamot sa iyo.

No comments:

Post a Comment