Saturday, May 30, 2015

PERA (2)

Pera pa rin ang paksa natin ngayon. Hindi naman dahil sa mga mukhang pera tayo, pero malaki kasi ang epekto nito sa buhay sa kabuuan. Kahit na dapat tayong mamuhay ng simple, may mga bagay na idinudulot ang pagkakaroon nito na nagbibigay sa atin ng isang antas ng saya at seguridad.


Ready na ba kayo? Hindi pa? Errr... isang buwan nga ako nawala.... Ready or not... Heto na...!

Marami sa atin, gaya ko ay mga manggagawa o empleyado. Kahit ba bise presidente ka ng isang kumpanya at hindi mo naman ito pag-aari, empleyado ka pa rin. Sinasahuran o sinuswelduhan para gawin ang isang gawaing mahalaga sa pinapasukang negosyo.

Pero sa tantiya ko naman, alam na natin kung paano ibadyet ang kung magkano man ang natatanggap natin sa araw ng payday. Tama ba? Ngunit, tama ba ang pamamaraan ng pagbabadyet na ginagawa natin? Mahalagang punto ito, maliit man o malaki ang sahod natin, DAPAT, uulitin ko: D-A-P-A-T TAMA ang paraan ng pagbabadyet natin sa pera natin. Bakit?


Una sa lahat, ang perang naitabi at naipundar natin sa buong panahon na tayo ay nagtatrabaho ang magsasabi kung ano ang magiging buhay natin sa panahon na wala nang tumatanggap sa atin para magtrabaho. Sa madaling salita kapag retirado na tayo.

Ikalawa, kung tama ang pagbabadyet ng pera, magkakaroon tayo ng batayan kung kulang o sobra (mas madalas kulang) ang kinikita natin. Kapag ganito, mas madalas sa hindi gumagawa tayo ng paraan kung paano natin madaragdagan ang perang hawak natin.

Ikatlo, kung episyente nating nababadyet ang perang hawak natin, magagawa natin ang mga bagay na gusto natin dahil naipaplano natin ito.

Ikaapat, nagkakaroon tayo ng proteksyon sa mga hindi inaasahang paggasta o emergency kung napapamahalaan nang tumpak ang perang hawak natin.

At panghuli, sa tamang paraan ng pagbabadyet, kaya nating itakda kung kailan natin gustong magretiro sa pagtatrabaho.

Ang limang bagay na ito ang magiging paksa natin sa buong buwan ng Hunyo. Binata/dalaga ka man na nagtatrabaho para lamang sa sarili; breadwinner ng pamilya; o may sarili nang pamilya, importante na hindi lamang tayong humawak ng pera kundi episyente rin dapat natin itong napamamahalaan. Dahil, una sa lahat, pinaghirapan natin ang perang ito kaya bawat sentimong nasasayang ay pambabalewala sa pagod at sakripisyo natin para kitain ito.



Kaya, isa itong paanyaya sa lahat ng mga interesadong matuto at guminhawa ang buhay. Sama-sama nating pag-aralan ang mga batas kung paano lumago ang pera natin na siyang ginagamit ng mga mayayamang tao para lalo pa silang yumaman. Walang pilitan ito.  Kaya, ngayon pa lang, salamat sa pag-antabay at pagsubaybay.

No comments:

Post a Comment