Tuesday, April 21, 2015

PERA

Kung sa tingin mo na ang puno’t dulo ng problema ay pera, sa tingin ko kailangan mong basahin ito.

Noong una, may ganyan din akong paniniwala. Pero, may parte rin naman sa akin na gustong guminhawa ang buhay. Pero, (may kontra uli) may isang bahagi rin sa akin na parang hindi tama na marami kang pera habang ang dami-daming naghihirap.

Ang gulo ‘di ba? Nakakaasar na nakakabaliw. Gusto mong yumaman pero… Laging may pero. Hindi ba pwedeng period na agad at wala nang pasubali?

Pinagdaanan ko iyan kaya alam ko. Buti na lang may mga napakinggan at nabasa ako para unti-unting palisin ang mga alinlangan ko. At isa riyan si Bro. Bo Sanchez, ang lumikha at personalidad sa likod ng Truly Rich Club.

Kay Bro. Bo ko natutunan na ang pagiging masama at mabuti ng pera ay depende sa layunin ng gumagamit nito. Parang baril, pwede itong gamitin para kumitil o ipagtanggol ang isang buhay.

Sa madaling salita, ang pera tulad ng ibang bagay ay nagiging masama at mabuti batay sa pagpapahalaga ng partikular na taong may hawak nito. Hindi ito ang ugat ng problema. Nasa tao ang problema dahil tayo ang may kakayahan at katalinuhan para magpasya. Kasangkapan lang ang pera at anupamang bagay kung magdaragdag ito ng halaga o magdudulot ng pinsala sa sarili o sa ibang tao.


Kaya hindi problema ang pera hindi ba? Tayo ang gumagawa ng sarili nating problema. 

Dahil sa pagbabago ng mentalidad na ito, nagbukas ito ng mga panibagong ideya at pag-aralan objectively ang karanasan ng mga taong patuloy ang pagtatagumpay laban sa kahirapan at pagtulong sa mga taong determinadong umahon mula rito.

Mas naging bukas din ako sa pag-unawa sa mga behikulo na pwedeng gamitin para higit pang lumago ang ating pinaghirapang pera.

Hindi na rin ako nagdadalawang-isip na bumili ng mga bagay tulad ng libro na makatutulong para higit pang pataasin ang kaalaman ko hinggil sa mga batas na nagtatakda sa paggalaw ng pera. Dahil aminin man natin o hindi, ang mga bagay na natutunan natin sa loob ng paaralan ay hindi naging sapat nang salubungin tayo ng reyalidad ng buhay. At ang mahalagang parte: B-O-B-O tayo sa pera. Hindi ito itinuro sa atin. Ang pangaral sa atin ay ganito: mag-aral nang mabuti para makahanap ng magandang trabaho sa isang magandang kumpanya na magbibigay sa atin ng malaking sweldo.

Babahagya lang nabanggit na mas malaki ang kikitain sa negosyo at mas mainam kitain ang tubo.

Masyadong konserbatibo ang pananaw natin sa pera. Ang turo sa atin, mag-ipon sa bangkko man o alkansiya dahil kung may isinuksok may madudukot. Tama naman kaso kung naunawaan natin agad ang terminong invest at ginawa itong regular nung mga bata pa tayo, siguro ang bawat Pilipinong nabuhay 30 years ago ay isang milyunaryong retirado sa susunod na 30 taon.

Gets na ba natin? Unfair ‘di ba? Isa ito sa mga dahilan kung bakit ang mga mayaman ay nananatiling mayaman habang tayo ay nananatiling mahirap.

Panahon na siguro na baguhin natin iyon. At mainam na masimulan natin iyon ngayon sa mga sarili natin at ituro nang maaga ito sa mga anak natin o nakababatang henerasyon sa atin.


Kailangan ngayon na! Kung hindi, baka lalo pa tayong mawalan ng pera sa paglipas ng bawat sandali.

No comments:

Post a Comment