Monday, June 29, 2015

SUMPA

'An ounce of prevention is worth more than a pound of cure.'


image: pinterest.com/ProveMyMeds/health-is-wealth/
Mapait ang karanasan naming makapatid para bigyan ng malaking pagpapahalaga ang kasabihang  ito.

1991 nang mamatay sa stroke ang tatay namin. Hindi ko malilimutan ang araw na iyon…

September 20, 1991.

Umaga.

Nagpaalam ako sa Papa ko na medyo hirap sa paghinga sa kanyang upuan kaya nakatutok sa kanya ang electric fan.

Sabi ko sa papa ko noon, "'Pa pasok na po ako sa school. Pagbalik ko ako naman mag-aalaga sa iyo. Kain ka marami ha?” 

Tapos goodbye kiss sa pisngi at takbo na pababa para sumakay sa service na maghahatid sa akin sa school.

Masigla akong pumasok sa eskwelahan at looking forward sa pag-uwi kasi nga si Papa ay nasa bahay.

Unfortunately, hindi ko inabot na buhay ang Papa namin.

Later, nung malalaki na kami, ikinuwento ni Mama sa amin na noong unang ma-stroke pa lang si Papa, tinapat na siya ng family doctor namin na kaibigan rin ni Papa.

Iwasan daw sana na ma-stroke pa uli si Papa dahil baka hindi na niya kayanin kung mangyayari pa.

Kaya rin daw nasa bahay na si Papa matapos niyang ma-confine sa second stroke niya ay tinapat na rin daw si Mama ng doktor na baka lumaki lang ang gastos sa ospital na wala namang garantiya na babalik si Papa sa dati.

Ang insidenteng iyon na naganap may mahigit 20 taon na ang nakalilipas ay nagpabago nang husto sa kalidad ng buhay na mayroon kami.

Mula noon mag-isa niya kaming itinaguyod ng nanay namin.

Ang pangyayaring iyon ang nagturo sa akin ng isang napakahalagang aral para pangalagaan ang kalusugan.

Sumumpa ako sa sarili ko noon, kahit bata pa ako noon, na mabubuhay ako nang mas matagal kaysa sa tatay ko. 

Gagawin ko iyon, para makita kong lumalaki ang mga anak ko at makita ang magiging mga apo ko sa kanila.

Medyo kakatwa na maisip ito ng isang batang edad siyam.

Pero hindi ko maiisip iyon kung hindi dahil sa karanasan naming iyon.

Hindi ba nga, Experience is the best teacher of man?

Kaya kung binabasa mo ito ngayon, huwag na nating hintayin na may mangyari sa atin o malaman na hindi na maganda ang lagay natin bago gumawa ng hakbang.

Kung ayaw mong gawin ito para sa sarili mo, at least gawin mo ito para sa mga mahal mo sa buhay.

Sa parte ko pinagtibay ko sumpang ito may ilang taon na ang nakakaraan. 

Natakot ako para sa sarili ko at para sa pamilya ko. 

Baka hindi ko matupad ang sumpang binitiwan ko sarili ko mahigit 20 taon na ang nakararaan…


Sa susunod na post, ang nadiskubre ko para pagtibayin ang sumpang binitiwan ko noong bata pa ako...

Monday, June 22, 2015

REBYU

Bago tayo mag-break nang kaunti, rebyuhin muna natin ang mga nagdaang posts at rebisahin ang mga bagay na nais kong bigyang-diin.
image from: http://www.moneyisjustanidea.com/

1. Hindi sapat ang sweldo/sahod nating mga empleyado/manggagawa. Ang takbo ng buhay natin ay overdependent tayo sa tinatanggap natin tuwing payday. Sa liit ng tinatanggap natin nababaon tayo sa utang kahit ibadyet natin ang pera natin. Gayunpaman, dapat pa rin natin itong ibadyet, ngunit dapat sa wastong paraan.

2. Ibadyet nang tama ang pera. Ang tamang paraan ng pagbabadyet ay itabi ang isang takdang halaga/porsyento mula sa iyong sweldo/sahod bago kaltasin ang mga bayarin sa utang, konsumo, atbp. Ang maitatabing pera ay hindi dapat patulugin sa bangko, bagkus dapat itong gamitin para magkaroon ng sarplas na badyet.

3. Surplus budgeting. Sadyang kulang ang sahod at sweldo natin. Bakit? napakadalang sa patak ng ulan ang pagtaas nito habang nasa 5% ang average ng inflation - pagtaas ng halaga/presyo ng mga batayang produkto at serbisyo - sa Pilipinas taun-taon ayon na sa mga ekonomista. Kaya dapat matuto tayong gumawa ng surplus budget kung saan nagagawa nating makalikha nang sobrang kita na hindi na natin kailangang galawin o gastusin. Pero hindi ito dapat manggaling sa sideline na trabaho o pagkakaroon ng part-time job - papatayin mo na ang sarili mo niyan. Likhain natin ang kitang ito sa iba pang pamamaraan liban sa paghahanap ng trabaho o dagdag na trabaho.

4. Magnegosyo. Ito ang isang paraan para magkaroon ng pera liban sa kinikita natin sa pagtatrabaho. Mahalaga natin itong matutunan sa pinakamaagang panahon habang may kinikita pa tayo hindi kung kailan wala na tayong pinagkakakitaan o may edad na at marami nang nararamdamang sakit sa katawan bago magnegosyo. Gawing sideline ito para hindi lang boss mo ang kumikita ng tubo, ikaw rin. Malay mo, maging isa sa mga kliyente/kustomer mo ay boss mo. Masaya 'di ba?

5. Mag-invest. Kung kumikita ka na sa negosyo mo o lumalaki na ang savings mo, dapat matutunan mong i-invest ang perang iyan para higit pang lumaki. Bakit? Hindi araw-araw pumapatok ang negosyo. May araw na pagkalakas-lakas ng benta, may araw ding napakatumal. E, paano pa kung naghigpit sa kumpanya ninyo dahil nasilip ang mga sideline na iyan? Lalo na tayong nalintikan. Maraming mga behikulo kung saan mo pwedeng ilagak ang pera mo para lalong lumago, kailangan mo itong hanapin, pag-aralan, maunawaan, at piliin kung ano ang tama para sa iyo.

6. Magbasa at mag-aral. Sabi ko sa inyo, ang financial literacy ay hindi itinuturo sa eskwelahan. Kaya kahit ang mga pinakamatatalinong tao ay maaaring mangmang pagdating sa pagpapalago ng pera niya. Lalo na sa ating may mga pamilya na, isa itong DAPAT na gawin at gayundin ay ITURO sa mga nak natin para maputol ang kadena ng kamangmangan kaugnay sa pagpapalago ng pera. Pero hindi sapat ang self-study, maghanap kayo ng matatawag ninyong guro o mentor na siyang gagabay sa inyo hinggil sa aspetong ito ng ating buhay.

7. Give Back. Malamang wala ito sa mga post ko pero isa ito sa mga natutunan at karanasan ko. Habang ginagawa mo ang mga bagay na ito para palawakin ang kaalaman mo at patabain ang pitaka o bank account mo, dapat kang mas maging bukas-palad para sa iba. Hindi naman sa punto na ibigay mo lahat, ang pinupunto magbigay ka nang kahit na ano na bukal sa loob mo. Kung napipilitan ka lang, balewala rin. Tandaan natin, ang may mababang loob ay higit na pinagpapala. Isa itong paraan ng pasasalamat. Pay it forward 'ika nga. Kapag nagdamot ka, pagdadamutan ka rin sa mga susunod na panahon.

Gaya ng sinabi ko sa umpisa, break muna tayo tungkol sa financial literacy. Ang susunod na limang posts ko naman ay tungkol sa kalusugan natin. Dahil anumang pagsusumikap natin kung magkakaroon naman tayo malalang sakit dahil hindi natin pinangalagaan ang kalusugan natin, balewala rin ang lahat nang iyan. Ang makikinabang ng pinaghirapan mo paniyak ay ang ospital at doktor na gagamot sa iyo.

Friday, June 12, 2015

APAT NA TAO

May apat na klase ng tao sa mundo ng pinansiya batay sa tinatanggap niyang bayad na dulot ng kanyang economic activity o hanapbuhay ayon kay Robert Kiyosaki. Hanapin kung sino ka sa mga ito.

image from freegreatpicture.com
E-mployee: Kalakhan ng tao sa mundo ay dito nabibilang. Binabayaran ang empleyado ng sahod o sweldo batay sa trabaho na kanyang ginampanan sa loob ng isang takdang panahon. Wala silang ibang pinagkukunan ng kita kundi ang kanilang pamamasukan kaya inaalagaan nila ang kanilang posisyon kahit ginagamit ang takot nilang mawalan ng hanapbuhay para sila ay abusuhin.

S-elf-employed: Sila ay yaong may mga maliliit na negosyo at mga propesyunal. Hindi tulad ng mga employee na maaring mag-file ng leave upang mabayaran ang araw na hindi ipinasok sa trabaho. Ang kita ng self-employed ay nakadepende kung sila maghahanapbuhay o hindi. Hindi fixed o palagian 'ika nga ang kita hindi tulad ng mga empleyado. Kaya halimbawa, ang isang doktor na may klinika, kung wala siyang pasyente, wala siyang kita tulad rin nang mga manininda na kung walang benta, walang kita.

B-usiness(wo)man: Ang mga taong ito ay yaong may mga negosyo rin tulad ng mga self-employed. ang kaibahan nga lang, nakalikha na siya ng kanyang sistema para mapatakbo ang negosyo niya kahit hindi siya pumasok sa loob. Automated ang kita. parang ang mga may-ari ng mga fastfood, bangko, shopping malls, department store, at iba pa. Kapag bumili ka sa kanila, hindi may-ari ang negbenta sa iyo pero kumikita siya sa bawat produkto o serbisyong nabibili mo sa mga kumpanya nila sa pamamagitan ng kanilang mga empleyado.

I-nvestor: Mula sa termino mismo, namumuhunan ang mga imbestor. Sila ay yaong may malaki (sobra-sobra) nang pera para ilagak lamang sa iisang negosyo. Mas madalas, Sila yaong mga nesgosyante na sobra-sobra na ang puhunan at kita kaya maaari silang: magtayo ng panibagong mga negosyo o palakihin ang existing na negosyo; maglagak ng puhunan sa ibang mga negosyo; maglagak ng puhunan sa iba't ibang behikulo para lalo pang lumaki ang pera nila; o kung napakalaki ng pera niya, maaaring gawin niya ang lahat. Hindi tulad ng mga negosyante, ang mga investor ay kumikita nang makailang ulit dahil ang pera na kanya nang pinagtubuan ay muling pa niyang pagtutubuan nang paulit-ulit.

Alin sa mga ito ang gusto mong marating?

Tulad ninyo, gusto kong maging negosyante at/o investor. Paano natin ito magagawa? I-share ko sa inyo sa susunod.

Tuesday, June 9, 2015

TRABAHO

Payo ng Dalawang magulang sa kani-kanyang anak:

Pinoy: Anak, mag-aral kang mabuti para kapag nakatapos ka, makahanap ka ng magandang trabaho na may magandang sweldo.

Tsino: Anak, ikaw aral mabuti. Para 'pag ikaw graduate na, ikaw patakbo atin negosyo.


Napakapamilyar ng unang payo, ano? Kumbaga, gasgas na. Hindi lang kasi sa bahay natin narinig iyan, pati sa eskwelahan. Hindi ba't halos lahat ng mga titser natin iyan din ang pangaral sa atin?

Anong aral ang makukuha natin? Magkaiba ang paghuhubog sa kaisipan at karakter ng dalawang magkaibang lahi: ang Pinoy nagkakasya sa pagiging empleyado dahil ito ang nakintal sa kanyang isip mula pagkabata habang ang anak ng isang Tsino ay mahuhubog bilang isang negosyante na mag-eempleyo sa ga Pinoy na mamamasukan sa kanyang negosyo.

OUCH ba? Sakit ng realization hindi ba? Reality bites 'ika nga.

image from http://mashable.com/category/job-applications/
Pero hindi pa naman huli ang lahat. Dapat simulan natin ngayon ang pagbabago sa paghubog sa kaisipan ng mga susunod na henerasyon ng kabataan. Pero siyempre, kasabay rin niyon ang pagtransporma natin sa ating mga sarili.

Kung hindi ka pa rin kumbinsido, tanungin ko kayo. Ano ang depinisyon ng JOB para sa inyo?

Ang sagot: isang kaayusan kung saan ang isang iniatas na gawain ay binabayaran batay sa napagkasunduang halaga.

Hindi ba ganoon naman talaga mailalarawan ang kalagyan nating mga empleyado? Pumasok tayo sa kaayusang babayaran tayo ng mga employer natin batay sa presyong napagkasunduan. Siyempre, sasabihin natin, hindi naman kami nagtawaran tungkol sa sasahurin e. Oo nga! Pero tinanggap mo iyong kaayusan na iyon. Kaya kung hindi ka nagtanong o pumalag dahil ang tatanggapin mong sweldo ay batay sa itinakda ni boss, wala kang dahilan para singilin siya, sumang-ayon ka doon, e. Dahil sa simula may pagkakataon kang magtanong na magsisilbing dahilan mo para tanggapin o tanggihan ang papasukin mong kaayusan.

Pero wala akong sinasabing wala kayong karapatang magreklamo. ang sinasabi ko, Wala kayong dahilan para singilin ang may-ari kung hindi sapat ang ibinabayad sa inyo dahil sumang-ayon kayo sa simula. Ang pagrereklamo naman ay bukas iyan para sa lahat na umaasa para mabago ang sitwasyon. Kaya kung walang magrereklamo, walang maitatama sa sitwasyon. Mananatili ang kaayusang umiiral.

Ito ang kalagayan nang kalakhan sa mg Pinoy ngayon. Kahit ang mga nasa ibang bansa, iisa ang deskripsyon, nangangamuhan tayo.

Pero kung sa tingin ninyo, sapat na ang pagkakaroon ng trabaho o job sa ingles, mag-isip muna tayo ng makailang ulit. Bakit?

Simple lang kasi ang deskripsyon ni Robert Kiyosaki sa JOB: J-ust O-ver B-roke!

'Sakto 'di ba? ang pagkakaiba lang natin sa mga tambay o walang trabaho ay may regular tayong tinatanggap buwan-buwan o every 15 days o anumang kaayusan sa pasahod nating mga may trabaho.

Kaya, kapag nawalan tayo ng trabaho, isa lang din ang tawag sa atin: TAMBAY. BROKE! Nganga! Kahit pa sabihin na may malaki tayong naitabi sa bangko habang nagtatrabaho tayo, eventually mauubos din iyan dahil sa mga gastusin.

Kaya, hindi sapat ang pagkakaroon ng trabaho dahil wala kang kontrol dito. Anong solusyon?

Maghanap ng isa pang trabaho? Errrr.... pinatay mo na ang sarili mo, tinanggalan mo pa ng oras ang pamilya mo sa iyo.

Magnegosyo! Ito ang solusyon para magkaroon tayo ng sense of security sa kinikita natin. Ang mga ninuno nga natin nag-engae sa barter trade tayo pa kayang mga modernong Pinoy ang matakot o hindi magnegosyo?

Ngayon higit sa lahat ang panahon para balikan o i-trace ang pinagsimulan ng lahing Pinoy! Nalilimutan na kasi natin at nade-degrade natin ang lahin natin consciously and/or unconsciously.

Kaya simulan nang baguhin ang mindset...! Inaanyayahan ko rin kayo na gumawa ng mga pansariling research kaugnay sa bagay na ito. Maraming materials at successful stories tungkol sa karanasan ng pagnenegosyo ng mga Pinoy. At ang unang requirement: Have an Open Mind! kasi kung sarado ang isip: walang paraan para makaunawa kaya WASTE OF TIME lang.