Tuesday, April 21, 2015

PERA

Kung sa tingin mo na ang puno’t dulo ng problema ay pera, sa tingin ko kailangan mong basahin ito.

Noong una, may ganyan din akong paniniwala. Pero, may parte rin naman sa akin na gustong guminhawa ang buhay. Pero, (may kontra uli) may isang bahagi rin sa akin na parang hindi tama na marami kang pera habang ang dami-daming naghihirap.

Ang gulo ‘di ba? Nakakaasar na nakakabaliw. Gusto mong yumaman pero… Laging may pero. Hindi ba pwedeng period na agad at wala nang pasubali?

Pinagdaanan ko iyan kaya alam ko. Buti na lang may mga napakinggan at nabasa ako para unti-unting palisin ang mga alinlangan ko. At isa riyan si Bro. Bo Sanchez, ang lumikha at personalidad sa likod ng Truly Rich Club.

Kay Bro. Bo ko natutunan na ang pagiging masama at mabuti ng pera ay depende sa layunin ng gumagamit nito. Parang baril, pwede itong gamitin para kumitil o ipagtanggol ang isang buhay.

Sa madaling salita, ang pera tulad ng ibang bagay ay nagiging masama at mabuti batay sa pagpapahalaga ng partikular na taong may hawak nito. Hindi ito ang ugat ng problema. Nasa tao ang problema dahil tayo ang may kakayahan at katalinuhan para magpasya. Kasangkapan lang ang pera at anupamang bagay kung magdaragdag ito ng halaga o magdudulot ng pinsala sa sarili o sa ibang tao.


Kaya hindi problema ang pera hindi ba? Tayo ang gumagawa ng sarili nating problema. 

Dahil sa pagbabago ng mentalidad na ito, nagbukas ito ng mga panibagong ideya at pag-aralan objectively ang karanasan ng mga taong patuloy ang pagtatagumpay laban sa kahirapan at pagtulong sa mga taong determinadong umahon mula rito.

Mas naging bukas din ako sa pag-unawa sa mga behikulo na pwedeng gamitin para higit pang lumago ang ating pinaghirapang pera.

Hindi na rin ako nagdadalawang-isip na bumili ng mga bagay tulad ng libro na makatutulong para higit pang pataasin ang kaalaman ko hinggil sa mga batas na nagtatakda sa paggalaw ng pera. Dahil aminin man natin o hindi, ang mga bagay na natutunan natin sa loob ng paaralan ay hindi naging sapat nang salubungin tayo ng reyalidad ng buhay. At ang mahalagang parte: B-O-B-O tayo sa pera. Hindi ito itinuro sa atin. Ang pangaral sa atin ay ganito: mag-aral nang mabuti para makahanap ng magandang trabaho sa isang magandang kumpanya na magbibigay sa atin ng malaking sweldo.

Babahagya lang nabanggit na mas malaki ang kikitain sa negosyo at mas mainam kitain ang tubo.

Masyadong konserbatibo ang pananaw natin sa pera. Ang turo sa atin, mag-ipon sa bangkko man o alkansiya dahil kung may isinuksok may madudukot. Tama naman kaso kung naunawaan natin agad ang terminong invest at ginawa itong regular nung mga bata pa tayo, siguro ang bawat Pilipinong nabuhay 30 years ago ay isang milyunaryong retirado sa susunod na 30 taon.

Gets na ba natin? Unfair ‘di ba? Isa ito sa mga dahilan kung bakit ang mga mayaman ay nananatiling mayaman habang tayo ay nananatiling mahirap.

Panahon na siguro na baguhin natin iyon. At mainam na masimulan natin iyon ngayon sa mga sarili natin at ituro nang maaga ito sa mga anak natin o nakababatang henerasyon sa atin.


Kailangan ngayon na! Kung hindi, baka lalo pa tayong mawalan ng pera sa paglipas ng bawat sandali.

Tuesday, April 14, 2015

INTRO

Marami sa atin ang nagsasawa na sa kahirapan. Sino ba ang hindi nagnanais na makalabas sa animo kulungang ito? Wala, hindi ba? Pero kung ang iniisip natin na ang pagkakaroon ng pera – limpak-limpak na pera, ang mag-aahon sa atin sa kahirapan, mukhang may mali sa values natin kung ito ang nakikita nating solusyon.

Tama naman sa isang banda na mainam na may maraming pera kaysa wala o kulang. Aminin man natin o hindi, may mga bagay na nasosolusyunan kung meron ka nito.

Pero para sa akin, isa kasi itong ang pinakamadaling dahilan, scapegoat, alibi, o anumang katawagan sa ganitong pangangatwiran dinaranas na kahirapan natin sa bawat araw.

Bago ninyo ako awayin, lilinawin ko lang na hindi ko sinasabing tamad tayo kaya tayo mahirap. Hindi ako papayag na tawaging tamad ang lahat ng taong tapat at ipinupuhunan ang dugo at pawis para maitaguyod ang pamilya.

Ang sinasabi ko lang ay ito: kadalasan natin – take note: NATIN, naiuusal sa sarili kapag dumarating ang isang sitwasyon na may nais bilhin o sinuman sa mga mahal natin sa buhay lalo pa’t anak natin ang nagsasabing, “Tatay, ibili mo ako niyon,” at hindi natin magawa dahil kakapusin ang budget natin, ito ang naiuusal natin sa sarili natin matapos natin silang mapaliwanagan at sabihing: “Next time na lang anak.” And we wonder, kalian kaya magaganap ang next time na iyon.

Hanggang sa malilimutan natin at muling mauulit ang eksena. Alam ko iyan kasi naranasan ko iyan. Una, noong bata pa ako at ngayong may anak na ako.

Nakakalungkot ito para sa akin sa tuwing bumabalik o nauulit ang mga tagpong iyan. At tiyak ako na gayon din kayo. Kaya nga ito ang nagtutulak sa atin na isipin na kapag tinanong kung anong problema ang unang-una nating isasagot: PERA!

Pero sabi sa amin ng namayapa naming executive director na isang pari: ‘Huwag ninyong problemahin ang pera, ang pera ay solusyon. God will provide.’
Ang ibig sabihin ni padre, ang problemahin natin ay ang mga ideya o pamamaraan para pasulputin ang pera.

Sabi nga ni Robert Kiyosaki:"Money is just an idea." Maraming taong nagkamal ng yaman beyond their imagination dahil may naisip silang ideya at naisalin nila ito sa riyalidad na nagbigay sa kanila ng oportunidad na magtamasa ng yaman na higit pa sa kanilang inaasahan.

Itinuturo sa atin ng mga karanasan ng mga taong matagumpay na tinalo ang kahirapan na hindi nila ginawang problema ang pera sa halip ang pinagtuunan nila ng lakas at panahon ay kung paano gagawing materyal ang naisip nilang ideya, pangarap, o panaginip!

Bukod diyan, ayon sa mga mentor ng financial literacy, maraming mahirap dahil limitado ang kaalaman natin sa mga batas kung paano palalaguin ang pinaghirapan nating panustos. 

Kaya ang unang hakbang kung gusto nating talunin ang kahirapan ay baguhin ang values at pagtingin natin sa pera. Huwag nating asamin na magkaroon nito sa kagyat tulad ng pagtama sa lotto o sugal dahil anumang bagay na hindi pinaghirapan ay napakadaling abusuhin.

Sa susunod, ibabahagi ko sa inyo kung paano ko hinuhubog ang sarili na baguhin ang values at pagtingin sa usapin ng pera.